Hindi libre ang pambansang pabahay na programa ng gobyerno
Ang sabi-sabi: Walang babayaran sa Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program.
Marka: HINDI TOTOO
Bakit kailangang i-fact-check: Ang post na naglalaman ng sabi-sabi ay mayroong 588 na share, 139 na komento, at 132 na reaksiyon.
Ang katotohanan: Kinumpirma ng Department of Human Settlement and Development (DHSUD) sa Rappler noong ika-17 ng Oktubre na hindi libre ang mga bahay sa itatayong pambansang pabahay na programa ng gobyerno.
Nauna nang nilinaw ni DHSUD Secretary Jose Rizalino “Jerry” Acuzar noong ika-22 ng Setyembre sa groundbreaking ceremony ng itatayong pabahay sa Quezon City na ang mga itatayong yunit ay babayaran ng mga titira rito.
“Itong pabahay na ito, binabayaran, kaya kung maaari sana iyong mga bibili ng bahay magbayad sana para matuloy ang programa,” sinabi ni Acuzar.
Pinababang interes: Upang tuparin ang layunin ng administrasyon na tugunan ang kakulangan sa bahay ng 6.5 milyong pamilya, ibinaba ng DHSUD ang preferential interest rate sa 1% na lamang para sa mga itatayong bahay mula sa 6% na interes.
Ang 1% na interest rate ay mag-a-apply lamang para sa mga pabahay sa ilalim ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program.
Presyo ng bahay: Naglalaro sa P580,000 hanggang sa P1,150,000 ang presyo ng bahay, depende sa lugar at sa uri ng bahay – kung socialized, upgraded, midrise, o high rise ito.
Ang lokal na pamahalaan kung saan itatayo ang mga nasabing pabahay ang tutukoy sa mga kalipikadong benepisyaryo sa oras na mapinalisa ng ahensiya at ng mga lokal na pamahalaan ang detalye sa pagpapatupad ng nasabing programa. – Ailla dela Cruz/ Rappler.com
Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.