[Stakeout] Cheers, August Twenty-One Movement aka ATOM
Naglalakad ako sa Quezon Boulevard, sa Quiapo, Maynila, eksaktong 41 na taon na ngayon ang nakararaan, nang paulit-ulit kong maulinigan sa halos lahat ng taong aking makasalubong at maraanan na nag-uusap na mga vendor sa bangketa — patay na si “Ninoy.”
Nobatos na police reporter pa lamang ako noon — walang hilig sa takbo ng pulitika sa bansa — kaya hindi agad bumaon sa utak ko kung gaano kahalaga sa kasalukuyang kalagayan ng bansa ang pagkamatay ni “Ninoy.”
Sa sobrang babaw ng alam ko sa kuwentong pampulitika, muntik nang makalusot sa aking pang-amoy na ang mainit na balita pala ng mga oras na iyon ay ang pagkakapaslang sa opposition leader na si Senator Benigno “Ninoy” Aquino Jr. habang siya ay pababa ng eroplano sa tarmac ng noon ay Manila International Airport.
Nang luminaw na sa akin na ang kuwento pala ay hinggil sa assassination ng isang nirerespetong pinuno ng oposisyon, na si “Ninoy” nga — noon pa lamang uminit ang aking dugo.
Agad kasi akong nakaramdam na simula na ito ng mga magaganap na malalaking police-related news coverage — lalo na para sa katulad ko na cub reporter pa lang ngunit die-hard police reporter na sa puso at isipan…at di naman ako nagkamali!
Noon kasi — sa palagay ko lang ha — mas siga at matitikas ang mga police reporter kumpara sa mga political writer, dahil mas malalaki ang play up ng mga balita hinggil sa krimen. May dahilan naman kasi — mas “safe” na topic ang malalaking crime stories dahil sa “nakakasakal” ang mga balitang pampulitika!
Kaya nga ang mga sikat noon at kilalang-kilala ay ang mga crime reporter na gaya nina Ruther Batuigas, Max Buan, Gus Sta. Ana, Mike Baluyot, Lino Sambo, Alex Fernando, at mga kolumnistang gaya nina Ramon Tulfo at Boy Tejada. Pangalan pa lamang ng mga mamamahayag na ito ang banggitin mo sa pulis at militar na kaharap, siguradong nanginginig pa ang mga ito na aalalayan ka sa iyong problema.
Ilang oras pa lang ang nagdaan ay sumabog na sa himpapawid sa buong mundo ang mainit na balita ng assassination ni Ninoy, kaya ang mga correspondent ng mga foreign wire service ay sumugod dito sa bansa upang magcover.
Idineklarang special holiday o Ninoy Aquino Day ang August 21 taun-taon simula noong Pebrero 25, 2004, halos 21 taon matapos mapatay si Ninoy at 18 taon matapos ang 1986 EDSA People Power Revolution.
Bigla kong naisip na holiday nga pala sa araw na ito, nang mabasa ko ang mga post sa social media na inilipat sa Biyernes, Agosto 23, ang pagiging holiday, upang makatulong sa pagpapalaganap ng turismo sa bansa, para sa taong ito.
Sumagi ang petsang Agosto 21 sa aking alaala, pero di ito naka-sentro sa pagkamatay ni Ninoy — bagkus sa grupong August Twenty-One Movement (ATOM) na nanguna sa lahat ng street protest sa bansa, lalo na rito sa Metro Manila.
Mga pagkilos na pinaniniwalaan kong naging mitsa ng makasaysayang 1986 EDSA People Power Revolution — na nagbalik sa tunay na “kalayaan sa pamamahayag” na tinatamasa nating lahat sa ngayon!
Itinatag ni Agapito “Butz” Aquino ang ATOM kasama ang mga kaibigan niya, na karamihan ay mga abugado, gaya nina Jojo Binay, Nene Pimentel, Rene Saguisag, Jose W. Diokno, Lorenzo M. Tañada, Salvador “Doy” Laurel, na pawang mga naging senador din na tulad niya, matapos na mapatalsik ang diktaduriyang rehimen ni Marcos.
Naging bukambibig ng mga police reporter noon ang ATOM dahil naging pasimuno ito ng malalaking rally sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila, lalo na sa financial district ng Makati, kung saan unang naganap ang pag-ulan ng “yellow confetti” na naging simbolo nang paglaban ng oposisyon sa diktaduriyang pamahalaan.
Mahirap maiwaksi sa isipan ang coverage noon sa mga rally na ang naghahari sa buong kapaligiran ay ang pagiging makabayan ng lahat ng tao na kabungguan mo ng siko.
Ang pinaka-matinding pagpapakita ng simpatiya sa pagkamatay ni “Ninoy” na pinangunahan din ng grupong ATOM ay ang “funeral march” na sinamahan ng milyun-milyong kababayan natin na sumisigaw ng hustisya at pagbabago sa diktaduriyang pamamahala.
At ito ‘yung katunayan ng sinasabi kong mas malaki ang treatment ng mga pahayagan noon sa balitang pang krimen, disaster at mga aksidente, kumpara sa balitang pampulitika:
Ang naging banner story o pangunahing ibinalita noon ay hindi ang milyones na dumalo sa paglilibing kay “Ninoy” kundi ang pangyayari na may tatlong tao na “TINAMAAN NG KIDLAT” sa itaas ng isang puno sa may Rizal Park o Luneta, habang pinanonood ang nagdaraang “funeral march”.
May isang editor ng tabloid na nagpasiyang gumamit ng larawan sa banner story nito na kitang-kita ang kapal at haba ng mga tao sa martsa, at ganito pa ang headline: “Millions attend Ninoy’s funeral”.
Resulta–eh ‘di napag-initan ang editor ng kanyang publisher kaya agad itong nag-resign at bumuo ng grupo na nag-revive sa pahayagang “The Manila Times (TMT)” na matagal ding nakasara, simula nang ideklara ni Marcos ang martial law sa buong bansa noong 1972. Siyempre pa…’di ako magpapahuli sa kasaysayan, kaya’t sumama ako sa grupo ng mga mamamahayag sa muling pagsilang ng TMT. The rest is “history” — kung hindi pakikialaman ang kasaysayan ng bayan!!! – Rappler.com